• Geometrika



    Anong hugis ba ang pintuang papasok sa mundo mo?
    Dahil hindi ko makuha ang tamang hugis papasok sayo
    Parisukat ba o bilog, pahaba ba o tatsulok?
    Baka sakaling kayang hulmahin ang sarili ko kahit pa tuldok
    Ilang beses na nga bang nangahas at sumubok
    Ilang beses na rin bang binago tumama lang ang mga sukat nito
    Di parin pala sasakto, ang sariling pinagpipilitan sa masikip mong mundo.

    Masikip nga ba ang mundo mo
    O sadyang ako lang ang di makapasok dito?
    Mabuti pa ang sardinas, kahit madami ay may konting espasyo
    Samantalang akong nag-iisa, di pa magawang magkasya sayo

    Ano nga ba? 
    Tanong ko nga, ano ba ang tamang sukat?
    O kailangan kong baguhin ang katanungan, ano ba ang tamang sukatan?
    Ilang metro ba ang kailangan, ilang grado o sentimetro pa ba?
    Kailangan ko pa bang banggitin kung anong metriko talaga ang kinakailangan?
    Sabihin mo lang kung ano ang nararapat sa iyong pamantayan.

    Alam ko sa sarili ko na kahinaan ko ang matematika
    Pero kakayanin ko dahil ikaw ito, para sayo
    Maunawaan ko lang kung ano ba talaga ang takbo ng isip mo
    Magbabalik-tanaw ako ng geometriko
    Kahit alam kong di naman ako makakapagtapos sayo

    Bibilangin ko ang probabilidad na maging isa tayo
    Pagdutugtungin ko ang bawat tuldok at punto
    Susukatin ang eksaktong mga pagitan nito
    Hahanapin ko, ang ating tamang angulo
    Masiguro lang na magkakoneksyon tayo.
      
    Kung sakali mang di umubra ang pag-aaral ko ay maghahanda ako.
    Tantyahin ko ang lahat ng hahakbangin ng mga paa ko,
    kung ilang baitang, talampakan pa ba ang dapat tahakin papalapit sayo.
    Mahulog man ako ay alam ko ang eksaktong bilang pabalik sayo.
    Paghahandaan ko, na parang pagsusulit ang mga ito.



    -Haponesang Hilaw

  • You might also like

    No comments:

    Post a Comment

Powered by Blogger.